Isang Liham para sa aking mga kapwa PILIPINO

Humihingi po ako ng ilang minuto sa inyong oras.

Isang Liham para sa aking mga kapwa PILIPINO,

Hindi na ho ako magpapaligoy ligoy pa, nalalapit nanaman ang “Eleksyon” at paniguradong maglilipana nanaman ang mga pulitikong “mapanlinlang”, di ko nilalahat pero karamihan, alam po natin yan, lumang tugtugin na yan ika nga ng nakakarami. Lalabas nanaman ang mga platapormang puro porma, lalabas nanaman ang mga pangakong puro pako, lalabas nanaman ang mga gahaman ng bayan. Di pa ba tayo napapagod? Di pa ba tayo nag sasawa? Paulit-ulit na lang...

Sana po sa darating na eleksyon ay gamitin natin ng maayos ang ating karaptang bumoto, iluklok natin ang sa tingin natin ay “nararapat”, simula sa pinaka mababang posisyon ng gobyerno hanggang sa pinakataas. Huwag po natin hayaang mag TIIS nanaman tayo ng anim na taon dahil sa magiging maling disisyon natin at bandang huli ay mag sisisihan at mag tuturuan kung sino ang nagkamali.

Ano na ang nangyari sa mga senador na sangkot sa pork barrel scam? Ano na ang nangyari sa YOLANDA FUNDS? Na hanggang ngayon ang mga tao sa mga apektadong lugar ay patuloy ang paghihirap. Ano na ang nangyari sa SAF44? Iilan lang yan sa mga katanungan na hanggang ngayon ay hindi masagot kahit sa “SONA” ng ating Pangulo ay hindi nabanggit. Daang matuwid sabi ni Pangulo, SAAN BANDA??!!! Meron na ba kayong nakitang Senador o Pangulo na nakulong sa karaniwang kulungan tulad ng Munti? Puro house arrest at hospital arrest lang.

Ano na ang nangyari sa bayan natin na minsan ay isa sa pinaka mayamang bansa sa Timog Silangan? Panahon na para “magsawa” tayo, panohon na para sa pagbabago. Gamitin nating mabuti ang ating karapatang bumoto bilang MATALINONG MAMAYANG PILIPINO.

Hanggang sa muli,
MARAMING SALAMAT PO.

Kaibigang OFW

Kaibigang OFW, kamusta ka na? Sana ay nasa mabuti kang kalagayan. Kamusta na ang hinahanap nating magandang buhay para sa ating pamilya o mga mahal sa buhay? Nawa ay wag kang mag sawang mag sakripisyo para sa iyong mga mahal sa buhay, magiging maayos din ang lahat, konting Skype, Facebook, Viber tapos ang pangungulila mo. Ngunit isipin mo ito kaibigan, napaka swerte mo dahil maraming paraan upang magkaroon ka ng komunikasyon sa iyong mga mahal sa buhay, hindi tulad dati na sulat o voicetape ang paraan na inaabot ng isa hanggang dalawang buwan bago makarating.

Sabi nila halos lahat ng OFW ang dahilan ng pagtatrabaho sa ibang bansa ay ang mabigyan ng mas magandang buhay ang kanilang pamilya. Ngayon tanungin mong muli ang iyong sarili kung iyon pa rin ang iyong adhikain, kung OO ang sagot mo ikaw ay isang tunay na bayani, di lang sa iyong pamilya kundi ng iyong bansa, saludo ako sa iyo kaibigan.

Marami na rin ang nakapag sabi sa akin na meron daw tayong mga kababayang naliligaw sa landas, na pag dating sa ibang bayan e sampung taon ng nagtatrabaho sa ibang bansa pero tatlong beses pa lang nag papadala, nag bubuhay binata o dalaga. Kaibigan ano ang nangyari? Di ho ba para sa pamilya? O may ibang pamilya na ba?

OFW, malaya... masarap... mahirap... Malaya dahil pinagkakatiwalaan ka ng awasa, nobya/nobyo, magulang at higit sa lahat ng mga anak mo. Masarap dahil kapag nakapag bibigay ka ng ligaya sa iyong pamilya... Dahil ginugugol mo ang buhay mo para mabigyan ng maganda kinabukasan ang iyong mga mahal sa buhay.

Sa kabilang banda... Payo para sa mga OFW na naliligaw ang landas. nawa ang pinili mong landas ay makakapag paligaya sa iyo habang buhay, ngunit iyong tanggapin ang mga kalalabasan ng iyong mga aksyon. Ating tandaan na walang tumatagal magpakailanman, pero ang iyong pangalan at imahe ay mananatili kahit patay ka na. Hindi pa huli para tahakin ang tamang landas.

Maraming salamat po sa inyo.


#bagongbayani